Nais kong iparating ang aking taos pusong pagbati sa lahat ng Pilipino sa China, Mongolia, Kazakhstan at DPRK sa ating pagdiriwang ng ika-116 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Araw ng Kalayaan.
Ang tema ng ating pagdiriwang ngayong taon ay “Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago.” Isang paalala ito sa ating lahat na nawa’y lagi nating gunitain ang sakripisyo at alay ng mga kapwa nating Pilipino, noon man o ngayon, para sa ating kalayaan, sa ating pag-unlad, at sa ating Inang Bayan. Ito rin ay isang paalala na marami pang mga bagay na dapat gawin at pagbabagong dapat maipatupad upang ating matamasa ang mga bunga ng kalayaan, kabilang na dito ang kaunlaran at ang pagbangon ng ating mga kababayan sa kahirapan. Kung ang bawat isa ay labis na susundin ang mga kahanga-hangang halimbawa at kadakilaan ng mga kapwa nating Pilipino, tiyak na matutupad natin ang mga pagbabago para sa ating mga mithiin.
Walang pagdududa sa akin na kayong lahat ay kabilang sa mga dakilang Pilipino na dapat tingalain at magsilbing halimbawa para sa marami nating kababayan. Bukod sa inyong ‘di-mapapantayang sakripisyo sa pangingibang-bayan upang itaguyod ang inyong pamilya at upang matamo ang inyong mga pangarap, kayo rin ay nagsusumikap upang magsilbing mabuting kinatawan ng ating bansa at tulungan ito sa abot ng inyong makakaya. Dahil dito, tangapin ninyo ang lubos kong pasasalamat bilang isang Pilipino. Magkaisa kayo, at panatiliin ninyong buo ang inyong kalooban nang makamit nating lahat ang inaasahan nating pagbabago at pag-unlad.
Umaasa ako na kayo ay patuloy na magbibigay ng karangalan sa ating bayan at maging inspirasyon din hindi lang sa ating kapwa Pilipino ngunit pati narin sa inyong mga nakakasalamuha sa bansang China, Mongolia, Kazakhstan at DPRK.
ERLINDA F. BASILIO
Ambassador
13 June 2014